Mahirap sumilong sa isang konstrusyong kung hindi inaanay ay wala ng haligi at minsan pa'y madilim o pundido na ang ilaw nito. Sa ganitong pagkakataon, malaki ang bahagi ko upang magkaroon pa ng kapakinabangan ang mga nasa ilalim.
Noong isang linggo, bago pa man bumagyo, napakatindi ng init ng araw. Hindi ko alam kung paano kakayanin ang tindi ng hapding dulot nito. Walang kasing hapdi ang sikat ng haring araw na nakakatunaw sa bawat matatamis na pinagsamahan namin ng gabi. Pakiramdam ko ilang araw pa na hindi magbabago ang klima, baka hindi ko na kayanin. Buti na lang hindi buong araw mainit. Buti may tinatawag na gabi at buwan at bituin. Kung mahapdi ang araw, pagdating naman ng gabi... minsan ayoko na mag-umaga.
Hindi lang hapdi ng araw ang kailangan kong pagtiisan. Nariyan din ang lakas ng ulan. Matapos ang init ng araw, darating ang kulimlim ng mga ulap, maya maya pa'y may kasunod na itong kulog at kidlat. Hanggang sa malakas na buhos ng ulan. Ito yung mga pagkakataong gusto nang sumabog ng dibdib ko. Sinasabayan ko na lang ang pagbuhos ng ulan, sa ganitong paraan hindi nila namamalayang hindi lang pala tubig ulan ang bumabasa sa kanila.
Kapag malakas ang hangin, masalas sa kagustuhan kong makaalis dito, nais ko na lamang magpatangay. Ngunit nagingibabaw pa din sila sa akin. Hindi ko kayang umalis sa kinatatayuan. Paano na sila? Alam kong kailangan nila ako...
Wala na ngang haligi, hindi pa maayos ang ilaw... Hindi ko hahayaan pang mawalan ng bubong ang bahay namin.
No comments:
Post a Comment