Nung medyo natututo nang mangatwiran, naisip mong mag-abogado. Ang sarap ng pakiramdam makipagdebate. Yung tipong akala mong tama yung rule mo sa patintero pero wala naman talagang rule book yan. Paborito mo pang maging patotot (yung taya na nasa gitnang linya) hindi dahil ikaw ang bida, kundi dahil mas malaking teritoryo ang sakop mo at madalas kang pangilagan ng mga tumatawid dahil sa angkin mong kapangyarihan. Bata palang napaghahalata ka na.
Natagalan kang mag-abogado o doktor. Naisip mo ang tagal ng sampung taong pag-aaral para maging abogado o doktor. Bakit hindi na lang magdentista? Dr. pa rin ang nasa unahan ng pangalan mo at makakmit ito sa loob ng maiksing panahon. Limang taon lang ata o anim? Bakit hindi mo nga ba sinubukan? Pero alam mo, hindi naman talaga ang bibig ang problema ng tao, kundi ang mga salitang lumalabas dito kung saan walang gamot o pangontra.
Titulo lang pala gusto mo sa pangalan eh, edi Engr. na lang! Wow! Ang angas! May board exam pa yan na sabi ng iba walang kwenta daw ang course na walang lisensya pagkatapos. Anong saysay ng mga numero kung yung araw mo hindi mo mabilang? Hindi mo masukat kung ang desisyon mo ba ay aabot sa mga tinatantya mong dimensyon ng buhay. Hindi rin ito uubra. Makakita ka palang ng numero pumapalag ka na. One plus one lang naman ang usapan, pero nasan na yung ipaplus mo sa buhay mo? Bakit hanggang ngayon one ka lang?
Panalo din kung Architect ka. Kaso nang sinubukan mong magdrawing, puro drawing ka na lang. Wala ng natupad sa mga sinabi mo. Kaya lang ikinalulungkot kong sabihin tsong, sa buhay pag may mali kang naiguhit, hindi mo na mabubura yun. Gustuhin mo man, may isa o dalawang makakakita ng anino o marka ng maling linya o kulay na nailagay mo sa isang larawan.
Veterinarian? Doktor din yun, ng mga hayop. Baka dito pwede ka… sabi nga nila hindi mo maiintindihan ang pakiramdam ng mga aso hanggat hindi ka nagiging aso. Handa ka bang umamin na hayop lang ang makakaintindi sa mga asal na ginagawa mo minsan? Wag ka nang magkunwari dahil hindi naman talaga yan minsan… madalas…
Hindi ko alam kung bakit hindi pumasok sa isap kong maging nurse. Siguro dahil tingin ko sa kanila mahina, alalay lang ng doktor. Pero narealize ko sila nga yung nag-aalaga sa mga mahihina. Hindi ko rin kasi kayang magsuot ng puti, alam kong marumihin akong kumilos.
Isang bagay ang sigurado ako sa sarili ko bata palang ako. Kwento. Storya. Dayalogo. Itong mga bagay na ito ang mga umiikot sa sarili ko,s a utak ko. Lahat tayo may storyang nabubuo sa isip pero iilan sa atin ang handang magpahayag nito, iilan sa atin ang alam kung pano ito ilalagay sa mga titik na maiintindihan ng babasa. Mauunawaan ng makikinig at higit sa lahat, isasapuso ng mga maaantig.
Akala ko gusto kong maging doktor, abogado, dentista, engineer, architect, beterinaryo, pati jeepney driver, kundoktor ng bus at kung anu ano pang role na nilaro ko nung bata ako. Hindi pala yun ang gusto kong maging paglaki ko… Isusulat ko lang pala ang mga kwentong yun. Ang pangarap ng mga nangangarap pala ang gagawin ko. Masaya akong maipahayag ang nasa loob ko. May pera man dito o wala. May titulo man ang pangalan ko o wala. May magbasa man o wala. Basta ito ang gusto ko… at dito ako masaya, tumanda man ako mag-isa.
No comments:
Post a Comment